Saturday, June 18, 2011

Ang Kuya Kong Crush Ng Bayan (Part 11)

By: Mikejuha
getmybox@hotmail.com



-----------------------------------

Noong matanggal ko na sa daliri ko ang singsing, pumwesto ako sa parteng may pampang sa isang gilid ng ilog kung saan malapit sa malalim na parte ng ilog. Inindayog ko na ang kanan kong kamay upang itapon ang singsing doon noong biglang sa likuran ko ay may sumigaw, “Huwaaaggggg!!!”

Si Kuya Romwel, naka pambasketball shorts at sando, at nakasapatos pa.

Ngunit nabitiwan ng kamay ko ang singsing at agag-agad itong bumagsak sa tubig. Simbilis naman ng kidlat si Kuya Rom na du-mive sa pampang at tinumbok ang parte kung saan nalaglag ang singsing. 



Nakailang sisid na si Kuya Rom at ramdam kong hapong-hapo na siya sa kasisisid noong pakiramdam ko ay may gumapang na pangongonsiyensya sa utak ko. Ewan, hindi ko rin maintindihan kung bakit sobra niyang pinahalagahan ang singsing na iyon na sa tingin ko ay kahit malaki, ay isang stainless lang naman.

Tila may pagsisi namang namayani sa utak ko at nag-uumapaw ang kagustuhang tulungan na lang siya sa pagsisid. Ngunit dahil hindi ako marunong lumangoy, hindi ko nagawa ito. Gusto kong sumigaw na “Kuya, huwag mo nang hanapin, baka mapaano ka!” ngunit hindi ko masabi ito gawa nang alam ko, galit siya sa ginawa ko.

Halos may kalahating oras siguro iyong pagsisid niya at maya-maya, kibit-balikat na bumalik sa parteng may dalampasigan, at pansin kong hinang-hina siya. At noong makarating na siya sa parteng buhanginan, ibinagsak ang katawan, nakatihaya ang mga kamay ay latang-latang nakalatag sa kanyang gilid at habol-habol ang paghinga.

Tumakbo kaagad ako tungo sa kinaroroonan niya, naupo sa gilid ng nakalatag niyang katawan, hinawakan ng dalawa kong kamay ang mukha niya. Kitang-kita ko ang pamumutla ng kanyang balat at mga labi, at hirap siya sa paghinga. “OK ka lang kuya?”

Hindi siya sumagot. Naghahabol pa rin sa paghinga, dinig na dinig ko ang bawat paglabas at pagpasok ng hangin sa bibig niya.

“S-sorry kuya…” ang nasambit ko, ang boses ay awang-awa sa kalagayan niya.

“Bakit mo itinapon ang singsing?” ang tanong niya.

Maiksi lang ang tanong niya na iyonn ngunit bull’s eye itong tumagos sa puso ko. Hindi ako nakasagot kaagad, Nagdadalawang isip kung sasabihin ko bang nasgseselos ako. Syempre, wala naman akong karapatang magselos kaya hindi ko puwedeng dabihin sa kanya iyon.

“Bakit?” tanong niya uli, ang mga mata ay nakatitig sa akin.

“E… naiinis ako sa iyo”

“At bakit ka naiinis?”

Sa tanong niya na iyon ay ramdam kong gustong kumawala ang tinimping sama nang loob sa dibdib ko. “Bakit? Di ba dapat ay ako ang sinasamahan mo dito? Di ba ang sabi ng mga magulang ko sa iyo ay bantayan mo ako, alalayan mo ako dito? Pero ano ang ginawa mo? Nagbabasketball ka, nag-eenjoy kang mag-isa habang pinabayaan mo ako. Paano kung may nangyari sa akin? Anong sasabihin mo sa mga magulang ko?”

“Oo! Alalay mo ako, alam ko iyon. Pero di ba nag-usap at nagkaintindihan tayo na ang pakay natin dito ay maglaro, di ba? Na maag-enjoy tayo? Di ba nagpaalam ako sa iyo na maglaro ako? Di ba sinabi ko sa iyo na manood ka sa laro namin dahil ayokong hindi kita nakikita habang naglalaro ako? Di ba ang sabi mo ay manood ka sa laro namin? Nasaan ka ba? Saan ka ba nagpunta? Bakit hindi ka nagpaalam sa akin kung saan ka gumagala? Dahil ba d’yan kaya mo itinapon ang singsing? Anong kinalaman ng singsing sa paglalaro ko?”

Tila pinukpok naman ng bato ang ulo ko sa narinig, hindi na nakasagot.

“Sabagay… prinsepe ka nga pala dito. Lahat ng bagay ay nagagawa mo!” sabay balikwas at walang lingon-lingong nagmamadaling tinumbok ang bahay, bakat sa mukha ang matinding pagkainis.

Sinundan ko siya hanggang sa parehong makarating kami sa bahay. Noong makaakyat na, halos hindi na pinansin si Mang Nardo na nandoon sa may sala, nakatingin lang sa amin.

Dumeretso siya sa kwarto. Nagshower, nagsuot ng underwear at pantalon, at walang imik na nahigang nakatihaya sa kama, ang mga mata ay blangkong nakatitig sa kisame.

Sumampa ako sa kama, umupo uli sa gilid niya. “Sorry na Kuya, please…” ang pagmamakaawa ko.

“Iniisip ko kung ipagpatuloy pa natin itong pagiging ‘mag-kuya’ natin at itong pagsasama-sama ko sa iyo…” Ang sabi niya seryosong-seryoso ang mukha. Noon ko lang nakita sa kanya ang sobrang pagka-seryoso. 

Tila may kumalampag sa dibdib ko noong marinig ang sinabi niyang iyon. Matinding takot ang bumalot sa buong katauhan ko. At ang tanong na pumasok sa utak ay kung ganoon ba talaga ka-tindi ng kasalanan kong nagawa dahilan na sabihin niya ang ganoon.

“Bakit kuya? Sagad ba sa buto mo ang galit sa kasalanang nagawa ko na parusahan mo ako ng ganyan? Hindi ba kayang patawarin ang nagawa ko?” ang sumbat ko. “Bakit ka ba nagdesisyon ng ganyan? Hindi mo ba inisip kung masaktan ako?” 

“Masaktan ka? Bakit ako? Naisip mo ba kung masaktan ako?” sigaw niya.

“Sa pagtapon ko sa singsing na iyon? Sa mumurahing stainless na singsing na iyon?” sigaw ko din.

Pakiramdam ko ay biglang nag-iba ang mukha niya noong marinig ang huli kong nasabi at tila may namumuong mga luha sa gilid ng mga mata niya. Ako man ay napaisip din sa nabitiwan kong salita.

“Mumurahin…” ang sabi niyang patango-tango, ang boses ay ibinaba, tinimpi ang galit na kinikimkim. “Sabagay, mumurahin nga iyon dahil iyon lang ang nakayanan kong ibigay sa iyo. Ganyan ang tingin mo sa singsing ko. Pero sasabihin ko sa iyo na kahit mumurahin lang ang singsing na iyon, bigay iyon sa akin ng tatay ko bago siya binawian ng buhay. Iyong white gold na singsing na iyon na kaisa-isang ala-ala na natira sa tatay ko at itinapon mo lang ito ng basta-basta! Tangina!!!” Bulyaw niya. 

At namalayan ko na lang siyang humagulgol na parang bata.

Iyon pa ang kauna-unahang pagkakataon na nakita kong umiyak at humagulgol si Kuya Rom. Hindi ako makapaniwala na sa isang pagkakamali na nagawa ko, ang Kuya Rom na tinitingala kong isang napakatatag na tao, napaka-confident sa sarili, lalaking-lalaki kung kumilos, agresibo, masayahin, palatawa, friendly, at hindi mo makikitang nagmamaktol… sa pagkakataong iyon ay napahagulgol ko sa sobrang sama ng loob at galit. Sobrang gulat ko talaga sa nasaksihan.

Tila naputukan naman ako ng isang bomba noong malaman kung gaano kahalaga ng singsing na iyon sa buhay ni Kuya Rom. Ang alam ko lang kasi, maliit pa siya noong mamatay ang tatay niya. Kapag tinanong ko siya tungkol dito, hindi ito nagsasalita ng kung ano pa man gawa ng ayaw daw niyang malungkot dahil sa sobrang na-miss niya ang tatay niya. 

Sobrang hiya ko sa sarili sa isiniwalat niya, namalayan ko na lang na tumulo na rin ang mga luha ko. Sa kabila nang nakita kong tila pagwawalang-bahala niya sa akin, sa akin din pala sana niya ipinagkatiwala niya sa akin ang isang bagay na mahalaga sa buhay niya.

“H-hindi ko alam, kuya... sorry na please” ang pagmamakaawa ko habang isinampa ang katawan sa ibabaw ng katawan niya.

Ngunit bumalikwas siya at naupo sa gilid. Pinahid ang mga luha niya, at pagkatapos ay tinungo ang locker, kumuha ng isang t-shirt at isinuot iyon. “Mauna na akong umuwi sa iyo...” ang maikling tugon niya.

Nataranta naman ako at nilapitan siya. Alam ko masama pa rin ang loob ko. At kapag nangyaring uuwi nga siya, hindi ko na alam kung ganoon pa rin ang magiging pakikitugno niya sa akin. “Kuya naman... Dito na muna tayo, please.” 

“Gusto ko nang umuwi. Hapon alas dose pa naman ng tanghali, makahanap pa ako ng masasakyan sa terminal.”

“O, sige. Kung gusto mo nang umuwi, sabay na tayo. Ipahanda ko na sa driver ang sasakyan natin at magpaalam na rin tayo kina Mang Nardo at Alng Isabel.” Ang pagpayag ko, nagbakasakaling sa pagsama naming magbiyahe, maibsan ang sama ng loob niya sa akin.

Nag-isip siya sandali. “Kung ganoon, ikaw na lang ang mauna. Ako na ang magpaiwan. Hayaan mo muna akong mapag-isa...” ang matigas niyang sabi sabay tumbok sa pintuan ng kwarto atsaka lumabas na.

Pakiramdam ko ay biglang gumuho ang mundo ko. At naramdaman ko na lang ang malakas na bugso ng sakit dulot ng pagmamatigas niya. Napahagulgol ako at tumalikod itinago ang tuluyang pagdaloy ng mga luha. Pakiramdam ko ay nawalan ako ng lakas, nanlalanta at napa-upo na lang sa sahig, isinandal ang likod sa dingding. Tila hindi mauubos ang mga luhang dumaloy sa mga pisngi ko. Maya-maya, tumayo ako. Pilit na pinalakas ang kalooban, nilabanan ang matinding 

Sa pagkakataong iyon, pinilit kong palakasin ang kalooban, magmatigas din, ipalabas ang isangmukhang mukhang tila wala lang nangyari sa takot na baka mahalata nina Mang Nardo, Aling Isabel at Julius na may hindi magandang nangyari sa amin ni Kuya Rom. “Kaya mo iyan, Jason, kaya mo iyan...” ang bulong ko sa sarili.

Tumayo ako, humarap sa salamin at pinahid ang mga luha. Inihanda ko ang sarili na ano mang sandali ay may kakatok at tatawagin na ako sa pananghalian.

At maya-maya nga ay may kumatok. “Kuya Jason! Kain na po tayo!” 

Si Julius. Kahit kasi kasing-edad ko si Julius at sinabihan ko na itong huwag mag-Sir sa akin, iginiit daw ng mga magulang niya na Kuya na lang ang tawag, kahit papaano, may paggalang sa akin bilang may ari ng bahay at lupang tinatrabaho nila.

“S-sige, Julius, lalabas na ako” at kunyari ay parang wala lang nangyari sa akin.

Noong nasa hapag kainan na, nandoon sina Mang Nardo, Aling Isabel, Julius, ang driver naming, at si Kuya Rom. 

“Bukas na pala ang pyesta at tiyak marami ang dadayo dito Sir Jason dahil marami ang gustong makita kayo at pinaghandaan talaga naming ni Isabel at Julius ang okasyong ito. Sigurado, masayang-masaya ang tagpo dito bukas. Sa unang pagkakataon at sa wakas, ngayon lang nila kayo makikita.” Wika ni Mang Nardo.

“Ah... e...” sambit ko. Natigilan at hindi alam kung paano simulan ang pagpapaalam na ako’y aalis pagkatapos na pagkatapos ng pananghalian. 

Tiningnan ko si Kuya Rom. Nakayuko lang at tahimik, bakat pa rin ang hinanakit na kinikimkim sa mukha at iniiwasan ang mga mata ko.

Nagpatuloy ako. “Alam ninyo po... may nalimutan kasi akong importanteng-importanteng gagawin sa sa bahay at kailangan ko na talagang umuwi. Sobrang lungkot po na hindi ko kayo mapagbigyan ngunit talagang kailangan ko na pong umuwi pagkatapos na pagkatapos nito.”

“G-ganon ba? Sayan naman.” Dugtong ni Aling Isabel. “Nandito ka sana kayo eh...”

“Pero di bale ho dahil nandito pa naman si Kuya Romwel. Magpahatid lang ako sa driver at pagkatapos, babalik siya buks upang sunduin si Kuya Romwel bukas.” Sabi ko.

“Sayang naman Kuya Jason! May disco pa naman sana mamayang gabi. Madaming chicks! Marami ding mga dayo galing sa Maynila at mga malalaking syudad para lang mamyesta dito.” Dagdag naman ni Julius.

“Sayang nga eh. Pero si Kuya Romwel na lang samahan mo. Adik iyan sa chicks.” Ang pabiro ko namang sabi, kahit na sobrang bigat na ng kalooban ko at tila puputok na ito, lalo na na nakikinita kong magsasama na naman sila, maglalasing, mag-eenjoy o kaya’y makahanap na naman ng babae si Kuya Rom at dahil syempre, makakainum, hindi ko na alam kung ano ang mangyayari. Si Kuya Rom pa... sobrang hilig nito.

Tawanan sila ngunit pansin ko ang patagong pang-iismid sa akin ni Kuya Rom.

Dahil sa sobrang bigat na ng naramdaman, di ko namalayan na tumulo nap ala ang mga luha ko. Dali-dali akong tumayo at tinungo ang lababo at umubo ng umubo, kunyari nabilaukan. “Uhu! Uhu! Uhu!” At dahil sa pakiramdam ko ay halata ang pamumula ng mga mata ko at basa sa mukha gawa ng pagdaloy ng mga luha doon, naghilamos na rin ako.

“Anong nangyari Sir Jason!” tanong ni Mang Nardo.

“Wala po. Nabilaukan lang ako. Uhu! Uhu!” sabay pahid sa mukha at dumeretso na sa kwarto. Mag-impake na po ako at kailangan ko na pong makauwi talaga, pasensya na, mauna na ako. Ang sabi ko.

“Tutulungan na kita Kuya!” Ang pagvolunter naman ni Julius sabay hugas ng kamay at sunod sa akin sa kwarto.

At tinulungan nga ako ni Julius. Pinagkasya ko sa isang bag ang lahat kong damit at gamit habang ang kay Kuya Romwel naman, sa isang bag. 

“Ba’t hindi ka nanood sa laro naming kanina, Kuya?” ang inosenteng tanong ni Julius. Bibong bata kasi si Julius. Kahit noong mga maliliit pa kami, hindi nahihiya iyang lumapit o magtanong sa akin o sa mga magulang ko. Palakaibigan ding tulad ni Kuya Romwel, masayahin, madaldal, kaya siguro madali silang nagkagaanan ng loob.

“Nagpasama ako sa itay mo na ikutin ang malalapit lang naman na parte ng lupain. Kaya hindi ako nakapanood.” Ang matamlay kong sagot, pansin ang pagkawalang ganang makipag-usap.

“Alam mo kuya, ang galing-galing palang maglaro ng basketball ni Kuya Romwel no? Grabe andami na nga din niyang mga tagahanga dito eh. May mga babae pang tanong ng tanong sa akin kung sino daw iyon.”

“Anong sagot mo?” 

“Wala. Sabi ko, kapatid ni Kuya Jason, iyong may-ari ng mga lupain dito?”

“At naniwala naman sila?”

“Oo naman. Hinihingi nga nila ang number ni Kuya Romwel, e ayaw ibigay, hehe. Pahiya sila”

“Ganoon ba?”

“Nagagalit ka raw na maraming babaeng tumatawag o nagti-text sa cp niya...”

Nagulat naman ako sa narinig. “S-sinabi niya iyon?”

“Opo. At kanina noong hindi ka sumipot, tanong ng tanong kung nasaan ka. E, hindi ko naman alam kung nasaan ka.”

Sa mga narinig na sinabi ni Julius. Tila dadalaoy na naman ang mga luha ko. Lalo akong nalungkot at naalala ko ang kabaitan sa akin ni kuya Romwel. Laking panghihinayang ko talaga. Gusto ko ang maglulundag sa saya sa narinig, hindi rin maiwasang bumalik-balik sa isip ang galit niya sa akin. “Kanina lang iyon. Ngayon, napalitan na ng galit ang paghahanap niya sa akin...” ang bulong kong sagot sa sinabini Julius.

Eksaktong alas tres ng hapon noong lumisan na ang sinasakyan namin patungo sa bayan namin. Ako lang at ang driver habang si Kuya Romwel ay nagpaiwan. Habang umaarangkada ang sasakyan, hindi naman ako halos makapaniwala sa bilis ng mga pangyayari. Kung gaano kami ka saya sa pag alis at pagdating namin sa lugar na iyon ay siya namang kabaligtaran sa pagbalik. Nag-iisa ako habang naiwan si Kuya Romwel na marahil ay mag-eenjoy, magdidisco, malalasing, may mga babae. Syempre, galit siya sa akin kaya siguradong magwawala iyon. “Ah... bakit ko pa ba siya iisipin?” Bulong ko sa sarili. “Buti nga na ganito ang nangyari, habang maaga pa, upang mapilitan din akong kitilin itong maling naramdaman para sa kanya.”

Alam ko, ang problema ay nasa akin. Dahil nagmahal ako sa isang taong hindi naman pwede. Nakaukit sa isipan na maaaring iyon na ang huli naming pagiging close at huli naming pagsasama. At syempre hindi na ako mag-i-exopect pa na may Kuya Romwel pang bibisita sa bahay, doon matulog, o sosorpresa sa akin sa kwarto ko, ipagluluto ako sa paborito kong pagkain. Higit sa lahat, ma-miss ko ang mga pinapagawa niya sa akin na sa tanang buhay ko, sa kanya ko lang unang naranasan... Ma-miss ko rin ang kakulitan niya, ang pang-aalaska ko sa kanya, ang mumunting away namin, ang mga harutan, ang mga tampuhan na sa bandang huli ay siya rin ang gi-give up at susuyo sa akin...

Ansakit-sakit, sobra... Hindi ko alam kung kaya ko bang harapin ang buhay na wala na siya sa tabi ko o na nag-iba na ang pakikitungo niya sa akin. 

Walang humpay ang pagdaloy ng mga luha ko. 

Eksaktong alas 9 ng gabi noong makarating ako sa bahay namin. Wala ang mga magulang ko gawa ng nagpunta ng Maynila at may mga inasikasong papeles. Dumeretso na ako sa kwarto ko at noong makapasok na, ibinagsak ko na ang katawan sa higaan, hindi na nagbihis pa, hindi na kumain. Panay pa rin ang iyak ko.

Lumipas ang alas 10, alas onse, alas 12 ng gabi, hind pa rin ako dalawin ng antok. Ang nasa isip ko ay si Kuya Romwel at ang maaring ginawa nila sa diskohan.

Bumalikwas ako sa kama, pinailawan ang kwarto. Tinungo ko ang refrigerator, kumuha ng beer, binuksan atsaka tinungga ito habang tinumbok ang music corner ng kwarto ko at naupo sa sofa hawak-hawak pa rin sa kamay ang isang bote ng beer. Pinatugtog ko ang paborito naming kanta ni Kuya Rom -

“Sometimes I feel like I'm all alone
Wondering how, what have I done wrong
Maybe I'm just missing you all along
When will you be coming home back to me

There were times I felt like giving up
Haunted by memories I can't give up
Wish that I never let you go and slip away
Had enough reasons for you to stay

Can you feel me, see me falling away (see me falling away)
Did you hear me, I'm calling out your name (calling out your name)
'Cuz I'm barely hanging on
Baby you need to come home... back to me

Sleepless nights 'cuz you're not here by my side
Cold as ice I feel deep down inside
Maybe I'm just missing you all along
When will you be coming home

Can you feel me, see me falling away (see me falling away)
Did you hear me, I'm calling out your name (calling our your name)
'Cuz I'm barely hanging on

Baby you need to come home back to me...”

Maya-maya, nagulat na lang ako noong may narinig akong isang kalabog sa may bintanang parte ng kwarto ko. “KA-BLAGGGGGG!”

Tiningnan ko ito at laking gulat ko noong makitang may taong nakatayo sa harap ng bintana. Hindi ako nakakilos o nakaimik agad, tinitigan lang siya.

“O, wala man lang welcome o kiss d’yan?” sambit niya. 

“K-kuya Rom?”

“Bakit? Mukha ba akong multo?”

At hindi ko na napigilan ang sariling tumakbo patungo sa kanya at niyakap siya. Nagyakapan kami at isang malutong na halik ang pinakawalan ko sa pisngi niya. “Bakit dito ka sa bintana umakyat?”

“E... kanina pa ako katok ng katok wala namang sumasagot!”

“Bakit ka sumunod sa akin? Hindi mo na-enjoy ang pyesta, ang disco, ang mga chicks...”

“E... hindi kita matiis eh. Atsaka... hindi ako nag-eenjoy kapag di ka kasama.” Sabay kindat at bitiw sa pamatay niyang ngiti. “At, oo nga pala, may ibibigay din ako sa iyo.”

“A-ano?” ang pagka bigla ko.

Iniabot niya ang isang kamay na nakatiklop ang mga daliri. At noong itinutok ko ang mga mata ko dito, saka niya itong binuksan sabay sabing, “Surprise!”

Nanlaki ang mga mata ko noong makita ang laman nito. “Waaahhhhh! Ang singsing! Paano mo nakuha uli iyan!”

“Nakuha ko naman talaga ito kanina e. Di ko lang sinabi sa iyo sa sobrang pagka-inis ko na itinapon mo ito sa ilog. Isuot mo na nga, baka magbago pa ang isip ko” utos niya sabay hablot sa kaliwa kong kamay at sukbit nito.

At hayun... hindi man natuloy ang pamimyesta namin, mas masaya naman kaming nag-inuman, nagkantahan, nagsayawan na kaming dalawa lang sa buong magdamag – sarili namin ang mundo, at ang isa’t-isa.

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment